LITERARY

CHONG

“Kapag Pinagbuksan Ka Pa Nila,
‘Dun Ka Ulit Magpunla”

“Ipinagdiinan mo pa kasi  noon e! Sinabihan na nga lang kita na manatili ka na sa loob, dahil  ikaw na mismo ang nagsabi na masaya diyan. ‘Yan kasi ang mahirap sa’yo, simpleng maisan, ‘di mo matamnan”.

Heto na naman si Chong, sinumpong na naman ng kasaysayan niyang sadya niyang pinanghinayangan. Sabagay, wala naman kasing may kasalanan, kundi sarili niya din lang. Hindi nga rin naman siya natuto sa ganoong kalakalan.

 

Magpapasko noong nahikayat siyang pumasok sa taniman na ‘yun. Naglakas loob siyang itaya ang kanyang mga butil sa harap ng matataas na tao. Ibinulatlat niya ang kanyang kakayahan kahit alam niyang kakapiranggot na sako ng mais lang ang kanyang dala para sa taniman. Bitbit niya ang talino at determinasyon upang ipanalo ang sugal na kailangang harapin at paglabanan.

 

Walang takot. Walang pag-aalinlanagan. Tiniyak niyang walang talo ang bawat butil niyang pinag-ipunan ng maraming taon. Aba! Naka-jackpot si Chong, akalain mong sa maikling oras nakalimas ng paghanga ng ilan? Naku, paano ba ‘yan, bahagi na kaya siya sa pinasok niyang lahat ay nagsisitaniman.

 

Teka, hindi ba itinuring niyang sugal ang pagtangkang ‘yun? Aysus teka, mali pala yung balita na pinampalipas lang niya ng sandali ang laban na iyon? Alam ko na, seryoso siya. Alam ko, seryoso talaga siya.

 

Psst… maiba ako. Alam mo ba na si Chong ay anak mahirap? Oo, totoo. Pero sabi ng ilang mga mata…hindi halata, pero tanungin mo siya, nag-ulam rin siya ng bagoong, asin at mantika.

 

Gulat ka? Syempre, ikaw na ang inabandona ng magulang. Buti nga di yan napariwara.  May kumalinga at nag-alaga kasi. Alaga ng lolo at lola, tito at tita. San ka pa!

 

Pero matanong ko lang huh. Noong nasa taniman daw siya may mga pumipitik sa mga butil niya? May mga tumatapak sa tanim niya? Bakit kaya? Ang alam ko naman sa kaniya mahilig siyang magtanim ng maganda…hmm…maliban na lang kung ayaw pasapaw ng iba?

 

Di bale, hayaan mo na, may mga tao talagang gustong sa pagtatanim ay mauna at ayaw magpasingit pa. Pero dapat tulung-tulong ano? Kasi dyan ako bilib kay Chong, alam niya makibagay at alam niyang lumugar. Pero sa ganung sitwasyon, ako ay duda.

 

Ano ba talaga ang mali sa kanya?

 

Sabi nila mahilig daw siyang lumabas masok sa bakurang yun? Hala, lahat ba ng mata nakatingin sa kanya, pati tenga sa kanya ang buka, o baka pati sa bibig nila siya ang kinakampanya?

 

Ngayon medyo naiintindihan ko na. medyo maliwanag na, gumawa siya ng paraan para makawala sa pagkasira ng mga butil niya. Kasi kapag iyon nawala sa kanya, hindi na siya makakamuhunan pa.

 

Ang totoo kasi niyan, sa mga singit ng bakuran siya dumaan. Patakas ba. At ang isinigaw sa akin nung paalis na siya, tatlo na lang ang butil na nasakanya. Isang itim, isang pula at isang asul.

 

Nagtaka nga ako sa kanya bakit biglang nagkakulay ang mga butil na ipinasok niya. Pero binulong niya: “ang itim ay ang hiya, konsensiya at kalungkutan ng pag-alis ko at labis akong nagsisisi dahil umalis akong di  nagpapaalam sa tagapangasiwa ng taniman. Tapos itong pula naman yung kagustuhan kong tumapak uli sa bakuran nila at tuluyang manatili hanggang sa makabawi .At itong asul naman ang tinuturing kong pag-asa, na sana muli akong makapagpunla.”

 

Ah…ganun pala, kuha ko na!  Iyon nalang siguro ang natirang butil upang muli ay makapagsimula. Hay, ewan ko ba sa kanya, basta ang sabi ko na lang sa kanya, sige Chong matuto ka na lang sa itim, ipakita mo naman sa kanila yung pula at pakaingatan mo yung asul.

 

Sabay biro sa kanya ”Chong, kapag binagbuksan ka nila, dun ka ulit magpunla. ”#